Wednesday, November 17, 2010

♬ ♪♩♫kangkong, cabbage, LETTUCE, tomato ♬ ♪♩♫ (may halo pang mayo)

November 17, 2010—What a Wacky Wednesday!

Miyerkules na - nagising ako ng maaga para sa inaasahang araw ng pagtratrabaho sa Rizal.
Masaya akong nakipaghuntahan kay Ria habang binabagtas ang daang pasikot-sikot ng Antipolo. Kablaaaaag!! --isang tunog mula sa likuran ng sasakyan ang panandaliang nagpagitla sa amin habang tumatakbo. “Ano iyon?”, tanong ng kasama ko. Mula sa kinauupuan ko ay natanaw ko sa salamin ang mamang nakabisikleta, nalaman namin nung huli na ang pangalan niya ay (kuya) Joeray, pinipilit tumayo mula sa pagkakabangga –namumutla, iika-ika, at duguan ang tuhod. Gusto kong umiyak sa awa.
Mabilis na nagkumpol ang mga usisero. Kanya-kanya ng bersyon ng kwento. Kasalanan namin dahil dire-diretso daw kami. Kasalanan niya dahil dire-diretso daw siya. Nakita ko ang bisikleta niya, bumaliko ang manibela marahil sa pagkakahampas nito sa adobeng kalye. Namumutla pa rin si kuya, at ang kanyang sugat – patuloy ang pag-agos ng sariwang dugo. Naiiyak pa din ako sa takot at awa.
Dinala namin si kuya sa provincial hospital ng Rizal. Habang binabaybay ang daan pa-ospital, nalaman naming siya ay papunta talaga sa provincial hospital para bumili ng gamot para sa kanyang kakapanganak lang na asawa. Sira daw ang preno niya. At nagdire-diretso siya padausdos hanggang tumama siya sa sasakyan namin.
Si kuya Joeray ay tubong Iloilo, napadpad sa Rizal kasama ang asawa upang manilbihan sa isang lettuce farm. Limang taon na daw sila dito. Piniling iwan ang bayan dahil mahirap ang buhay sa probinsya. Dito na din lumaki ang kanyang pamilya, may dalawa ng anak, ang huli nga ay wala pang isang linggong gulang at nakatakdang iniksyunan (immunity) dapat ng hapon na iyon.
Matapos eksaminin at resetahan ng medico-legal officer, at maineksyunan ng narses para sa anti-tetano, nailabas din namin siya makalagpas ang tanghali. Bahagyang lumuwag ang kanyang kalooban na malaman na wala namang malalang nangyari sa kanya. Lubos na nagpasalamat sa aming pag-aasikaso, humingi ng paumanhin dahil naabala daw niya ang aming trabaho. Gusto ko na namang maiyak. Si kuya na umalis ng bahay para bilhan ng gamot ang nakaratay na mag-ina, ngayon ay pauwi na bitbit ang mga gamot at sirang bisikleta.
Hinatid namin siya sa kanilang tinutuluyan- isang maliit na dampa para sa kanyang pamilya, isang payak na silong na nakatayo sa gilid ng lupain kung saan nakatanim ang mga letsugas na kanyang inaalagaan.
Bilang pasasalamat, nilibot niya kami sa taniman. Itinuro niya sa amin ang samut-sari niyang pananim. Ipinagmalaki niya na nagsusuplay siya sa malalaking restoran at kainan – lettuce iceberg, arugula, spinach, parsley, rosemary thyme, basil, at marami pang iba. Itinuro din niya ang tamang pagpili ng lupang tatamnan- dapat daw buhaghag, pataba mula sa dumi ng manok ang gamit nila, organik. Ibinida pa niya ang watering system nila gamit ang improvised niyang hydroponics. Nangako pa siya na isang araw ay tuturuan niya kaming magtanim, pag muli kaming nagkita-kita pero sana sa iba ng dahilan at pagkakataon. Naghiwalay kami at umalis na panay pa din ang bilin sa kanya na inumin ng oras ang gamot niya at maghugas ng sugat lalo pa’t nabubuhay siya sa pagtatanim sa lupa. Sa puntong ito, hindi na ko naiiyak (for a change).
Natapos ang araw ko na masaya pa din. Si kuya- nabangga, nasaktan at naospital pero ramdam mo pa din ang kabutihan ng kalooban at pagmamahal upang itaguyod ang pamilya. Sa biyahe pauwi, ang utak ko panay pa din ang pagkanta ng mga linyang ito: ♬ ♪♩♫kangkong, cabbage,LETTUCE, tomato ♬ ♪♩may halo pang mayo♬ ♪♩♫(sa himig ng ‘Empire State of Mind’). Ang saya ko lang, may pang vegetable salad na ‘ko mula sa bigay ni kuya.