At dumampi ang mainit na haplos ng kamay mo sa aking
kahubdan.
Ang ningas ng mumunting liwanag sa loob ng silid iyon ay
sapat na upang papayapain ang aking isip kahit panandalian. Ang samyo ng lila ay sumiping sa katahimikang
namamagitan sa ating dalawa. Tanging mga hininga lamang ang nag-uusap at ang
mga kamay mong patuloy na humahagod na tila walang kapaguran. Ang lamig ng kwartong iyon, ikaw, ako – nakaramdam
ako ng kapayapaan.
Bakit nga kaya may kalingang hatid ang bawat dampi ng palad
mo sa aking balat? Pang-ilang ulit na
nga ba ito? May ilang beses na ‘di ba? Pero
hindi ako nagsasawa, hindi magsasawa. Ito ang isa sa mga pagkakataong hinahanap
kita. Higit pa sa paghahanap, kundi
pangagailangan. At pinagbigyan mo na
naman ako.
Huwag mong itanggi ngunit batid kong pagal ka. Ngunit ‘di maka-hindi. Pangagailangan din ba? Marahil. Hindi ko sigurado pero malamang. Gusto sana kitang kausapin, kwentuhan. O
tanungin kung kamusta ang araw mo? Pagod
ka na nga yata? Ngunit mas nanaig sa ‘king manahimik na lamang at damhin ang bawat
segundo habang ako ay nasa loob ng kwartong iyon, nakahimlay at malayo sa magulong mundo.
Unti-unting bumibigat ang talukap ng aking mata. Gusto kong manlaban dahil gusto kong
maramdaman ang bawat kilos na gagawin mo. Ngunit makapangyarihan ang bawat
dampi ng kamay mo. Bumibigat. Gumagaan. Humahaplos.
Nagpapagaling sa pagal ko ngang katawan.
Hanggang sa tuluyan na ding mag-abo ang huling gunita.Tinraydor ako
ng aking kahinaan. Bumigay ang
katawan. At tuluyan nang iniwan ng
ulirat. Gaano katagal? Hindi ko
alam. Parang habambuhay akong
nahimbing sa katiwasayan.
Nagising na lamang ako sa munti mong bulong. Na aalis ka na. Ni hindi ko maalala ang iyong mukha. Madilim.
Tanging anino mo lamang ang nakilala ko.
Tanging ang mga anino niyo lamang ang kakilala ko.
Lalabas na ako sa silid.
Magbabayad habang iniabot ng
kahera ang enbelop kung san nakasulat ang pangalan mo – Gina. Ah, ang may-ari pala ng anino ay si Gina. Bukas malilimutan ko na ang pangalan mo. Magsisilid ng ekstrang singkwenta pesos na sukli
sa tatlong daang pisong iniiabot ko sa kahera bilang bayad sa iyong
serbisyo.
Hindi ko alam kung magkikita pa tayo. Sa loob ng silid, ikaw ay isang anino. Isang aninong blanko ang talambuhay. Sana pala nakipag-kwentuhan ako sa ‘yo. Pero aalis na ako. Sana na lang makatulong ang maliit na ‘tip’
ko sa pagmamasahe mo.
No comments:
Post a Comment