Abril.
Bakit kaya makulimlim ang langit?
Kalangitang nagkulay abo at tila nagbabadya ng masamang panahon.
Panahong nakikidalamhati marahil.
Pagdadalamhating nais haplusin ng banayad na hangin.
Hanging susubok gamutin ang mga sugatang damdamin.
Mga damdaming pagal sa impit na iyak na nais kumawala.
Kumawala sa pait ng kanyang paglisan.
Kanyang paglisan na di inaasahan.
Mabilis.
Biglaan.
At di aral sa ritwal ng pamamaalam.
Paalam. Oo sa ‘yo.
Mukhang tutuloy ang pagsama ng panahon.
At bakit nga kaya makulimlim ang langit?
Di inaasahan isang araw sa buwan ng Abril.