Saturday, August 11, 2012

HAPLOS


At dumampi ang mainit na haplos ng kamay mo sa aking kahubdan. 

Ang ningas ng mumunting liwanag sa loob ng silid iyon ay sapat na upang papayapain ang aking isip kahit panandalian.  Ang samyo ng lila ay sumiping sa katahimikang namamagitan sa ating dalawa. Tanging mga hininga lamang ang nag-uusap at ang mga kamay mong patuloy na humahagod na tila walang kapaguran.  Ang lamig ng kwartong iyon, ikaw, ako – nakaramdam ako ng kapayapaan.  

Bakit nga kaya may kalingang hatid ang bawat dampi ng palad mo sa aking balat?  Pang-ilang ulit na nga ba ito?  May ilang beses na ‘di ba? Pero hindi ako nagsasawa, hindi magsasawa. Ito ang isa sa mga pagkakataong hinahanap kita.  Higit pa sa paghahanap, kundi pangagailangan.  At pinagbigyan mo na naman ako.  

Huwag mong itanggi ngunit batid kong pagal ka.  Ngunit ‘di maka-hindi.  Pangagailangan din ba? Marahil.  Hindi ko sigurado pero malamang.  Gusto sana kitang kausapin, kwentuhan. O tanungin kung kamusta ang araw mo?  Pagod ka na nga yata? Ngunit mas nanaig sa ‘king manahimik na lamang at damhin ang bawat segundo habang ako ay nasa loob ng kwartong iyon, nakahimlay at malayo sa magulong mundo.

Unti-unting bumibigat ang talukap ng aking mata.  Gusto kong manlaban dahil gusto kong maramdaman ang bawat kilos na gagawin mo. Ngunit makapangyarihan ang bawat dampi ng kamay mo. Bumibigat.  Gumagaan.  Humahaplos.  Nagpapagaling sa pagal ko ngang katawan.
Hanggang sa tuluyan na ding mag-abo ang huling gunita.Tinraydor ako ng aking kahinaan.  Bumigay ang katawan.  At tuluyan nang iniwan ng ulirat.  Gaano katagal? Hindi ko alam.  Parang habambuhay akong nahimbing sa  katiwasayan.

Nagising na lamang ako sa munti mong bulong.  Na aalis ka na.  Ni hindi ko maalala ang iyong mukha.  Madilim.  Tanging anino mo lamang ang nakilala ko.  Tanging ang mga anino niyo lamang ang kakilala ko.

Lalabas na ako sa silid.  Magbabayad  habang iniabot ng kahera ang enbelop kung san nakasulat ang pangalan mo – Gina. Ah, ang may-ari pala ng anino ay si Gina. Bukas malilimutan ko na ang pangalan mo.  Magsisilid ng ekstrang singkwenta pesos na sukli sa tatlong daang pisong iniiabot ko sa kahera bilang bayad sa iyong serbisyo.  

Hindi ko alam kung magkikita pa tayo.  Sa loob ng silid, ikaw ay isang anino.  Isang aninong blanko ang talambuhay.  Sana pala nakipag-kwentuhan ako sa ‘yo.  Pero aalis na ako. Sana na lang makatulong ang maliit na ‘tip’ ko sa pagmamasahe mo.