Sunday, July 18, 2010

Si Tindeng Hilot



Matilde dela Cruz Pasco o mas kilala sa mga taga-Muntinlupa bilang Tindeng Hilot, ang pangalan ng aking lola. Isa sa mga sikat na matatanda, masasabi ko, nuong siya ay nabubuhay pa. Naging kabiyak ng Tandang Ponseng na namuhay sa pamamaklad sa lawa ng Laguna.
Laki ako at mga kapatid ko, sampu ng aking mga pinsan, sa pangangalaga ng Nanay. Ito ang panahon kung kailan ang aming mga magulang ay parehong kumakayod upang maitaguyod ang pamilya, kaya’t sa maghapon, matapos ang iskwela ay sa kanilang bahay, katabi ng sa amin, ako (kami) tumitigil. Wala ni isa sa aming magpipinsan ang hindi lumaki sa haplos ng kanyang pag-aalaga.
Saksi ako sa kung gaano karaming tao ang kumakatok sa kanilang silong sa maghapon, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, upang magpahilot -- nanay o tatay man, tangan ang kanilang mga anak na nilalagnat o napilayan dahil sa kakulitan. Madalas ay nagigising pa ang Nanay mula sa pagkakaidlip sa siyesta upang tumugon sa mga bisita. Pero hindi ko siya naringgan ng reklamo, kahit kailan. Mas nagagalit pa nga ang Tatay minsan kapag naaabala ang tulog ng Nanay.
Saulo ko na ang mga gawa ng Nanay kapag may nagpapahilot. Papatalikurin muna ang bata (o matanda), itataas ng bahagya ang tisert, hahagurin ang likod nang panadalian at sasabihin na, ‘Naku, may pilay nga ang batang (matandang) ire’. Sa kanyang tagiliran ay kakapain niya ang lata kung saan nakalagay ang kanyang langis. Dadampi ang kanyang nuo’y kulubot ng mga daliri sa naglalawang langis. Ipapahid sa likuran at ito’y ipopostura. Bibilang ng isa, dalawa at sabay sa pagbigkas sa ikatlong bilang ay maririnig ko na lagutok ng mga buto-buto. Mas madalas matapos nito ay aalingawngaw na sa buong kabahayan ang iyak ng batang napilayan. Tiyak ko, musika para kay Nanay ang mga iyak na ganito ‘pagkat matapos ang lahat, mas tiyak kaysa sa hindi na gagaling na ang munting bubuwit.
Duktor? Hindi ah. Hindi duktor ang Nanay. Ilang ulit niya itong nililinaw sa mga pasyente. Ineendorso pa nga niya ang mga manggagamot sa medisina sa mga kasong hindi naman talaga sakop ng kanyang kakayahan. Naalala ko pa nga ng minsan ay may traysikel drayber na nakasagasa ng isang bata. Bali ang laylay na kanang kamay ng kawawang paslit. Pinipilit ang Nanay na gamutin, ngunit hindi naman talaga gumagamot ang Nanay ng baling buto kaya ipinadiretso na lamang ito sa malapit na hospital. Mahusay ang relasyon ng Nanay sa mga duktor sa bayan, minsan ay nabibisita pa nga siya ng mga ito. Nakakatawa nga lang minsan dahil may iba pang dumadayo sa bahay dahil akala nila ay faith healer ang Nanay na gumagamot ng kanser o ng kung anupamang malubhang sakit.
Artista? Oo naman, madami na kayang artista na dumalaw kay Nanay, pati pa nga daw si Phillip Salvador [ naikwento lang naman sa akin =)) ]. Sayang at wala man lang akong nakita, malamang ako ay nasa iskwela nuon o masyado pa akong musmos para maalala, sabagay mas malamang hindi na rin naman sila sikat ngayon. Naisulat na din sa diyaryo ang kwento ni Nanay. Nakalagay iyon sa photo album, tinatago daw niya. Ang kaso ‘di ko na makita ang kopya nito, sana ay may nakapagtabi pa ng sipi nito.
Suki? Naku, napakaraming suki ng Nanay. Tiyak iyon para sa mga batang talaga naman ay kay lilikot kaya maya’t maya ay napipilayan, masakit ang katawan o ulo. Isa rin ako sa suki ng Nanay, aminado ako. Hindi naman talaga ako malikot, siguro ay bahagi ng kamusmusan ito. Malakas ang pulso ng Nanay, ramdam ko ‘yon kapag haplos niya ang likod ko. Matapos ang katakot-takot na sermon sa akin ay hihilutin naman niya, at ilang saglit lang ako ay magiginhawahan na. Maninikit lamang ng ilang araw ang likuran ko dahil sa langis ng niyog na ipinahid niya. Bawal maligo, ‘yan ang number one rule, kung ayaw mong mabinat o mamaga ang pilay.
Madyik? Tila! Tila magician talaga siya. Isipin mo, pupulsuhan ka lamang niya, alam na niya kung ang lagnat ay dahil sa pilay o hindi. Sa tanda niyang iyon ay napakalakas pa niya upang mabatak ang likod ng isang malaking bata o ng isang matanda. Kung bibilangin ko siguro ang salitang salamat na binigay sa kanya, sigurado na mauubusan na ko ng hininga kakabilang. Kaya kapag may okasyon sa pamilya, tiyak ‘yan babaha ng pagkain at regalo at kung anu-ano pa padala ng mga suki ni Nanay.
Sino bang batang taga-Munti o laking Aplaya, o kahit na sa karatig-bayan ang hindi laki sa haplos ng Nanay? Sigurado ako, kung ‘di mo naabutan ang Nanay, itanong mo sa nanay o tatay o lola o kapitbahay mo, tiyak marami silang kwento sa iyo. Sa iskul nga, sikat ako kasi lola ko si Nanay. Kapag sumasakay ako sa traysikel, alam na ng drayber kung saan ako ihahatid pauwi, minsan libre pa dahil suki daw sila ng Nanay. Sa palengke, tiyak yan may discount o kaya ay dagdag dahil apo yata ako ng Tindeng Hilot (sigurado ako ang mga pinsan ko ay nakatanggap din ng ganitong pribilehiyo, di ba??).
Kung titingnan, matanda na talaga ang karakas ng Nanay. Pero hindi mo mababakas ang pagod sa kanyang mukha, napakaaliwas na tila isa sa dahilan kung bakit ako gumagaling nuon. Psychological ang kaso ko o baka may kaunting bias. Kung anuman ang biyayang pinagkaluob sa kanya ng langit ay marapat naman niyang naipamahagi iyon upang makatulong sa mga tao sa aming paligid. Sa napag-aralan ko sa Genetics, may mga skills na namamana. Wish ko lang dahil ang kakayahan ng Nanay ay isang biyaya na hanggang ngayon ay hiwaga pa din na ewan ko kung kayang ipaliwanag ng siyensya. Malay mo naman lumabas sa susunod na generation ng aming pamilya.
Some good things just never last, ika nga. Nanghina ang Nanay at ang mga kaibigang Duktor Babaran ang tumingin sa kanya. Ayokong magbantay sa hospital nuon, sabi ko may pasok ako sa iskul at panahon ng eksam dahil magbabakasyon na. Sabi ko lang iyon. Pumanaw ang Nanay sa katandaan magpapasko taong 1997. Nakabibigla. Nakalulungkot—pinakamalungkot na Pasko at pagpapalit-taon sa pamilya Pasco . Ironic, ano?. Makalipas ang isang taon at isang buwan ay namaalam naman ang Tatay—parang mga lovebirds lang.
Biglang tumahimik sa matandang bahay. Wala ng pasyente o mga suki o mga sanggol o batang umiiyak. Hindi na din ako nauutusang bumili ng mga bote ng langis sa simbahan ng Sto. Nino. Wala na din ang hardin niya. Wala ng Sustagen sa almusal. Wala ng ekstrang baon. Wala na ang Nanay. Wala na. Ganoon talaga ang buhay. Ayos lang dahil paminsan-minsan, may discount pa din ako sa palengke. Pero ‘di na ko nalilibre sa traysikel. At ang amoy ng langis ng niyog, ‘di ko na yata makakalimutan.

Sunday, July 4, 2010

PROUD TO BE A BATIBOT KID (chie nales 070410)



Sino ba sa mga hindi nalalayo ang edad sa akin ang hindi lumaki sa mga kwento ng Batibot? Para sa mga mas batang henerasyon na nawiwili ngayon kina Dora o Barney o Spongebob, ang Batibot (salin sa Filipino: maliit ngunit malakas at matibay) ay isang pambatang palabas na sumikat sa kalagitnaan ng dekada ’80 hanggang dekada ’90. Ang Batibot ay nagsimula noong 1984 sa pangalang Sesame!, na marahil ay hinango sa nuon din ay sikat na palabas na Sesame Street. Ang pangunahing layunin ng palabas ay upang makapaghandog ng isang programang pantelebisyon upang una, matugunan ang edukasyon ng mga mag-aaral sa pre-school at ikalawa, makatulong sa paglinang ng mga bata sa kanilang kultura, pagmamahal sa bayan at kabutihang asal.
Sina Kiko Matsing at Pong Pagong na nga marahil ang maituturing na pinakasikat sa mga naging tauhan sa palabas. Bukod sa pagkakaroon ng mga mascots na ito kasama ang lipon ng mga iba pa tulad nila Manang Bola, Sitsiritsit, Alibangbang, Ning-ning, Ging-ging at Kapitan Basa, naroon din ang mga totoong tao na gumanap sa papel nina Kuya Bodjie, Ate Siena, Kuya Ching, Ate Isay at iba pa.
Masasabi ko na naging malapit sa puso ng kabataang Pinoy ang palabas na ito dahil sa pagkakaroon nito ng entertainment value. Bukod sa tila magasin na format nito, naging mabisa din ang paggamit ng mga kantahan, sayawan, maiikling kwentong gumamit ng mga makukulay na muffets at iba pa – isang istilo ng pagtuturo at paghahatid ng aral sa nakatutuwa, nakaaaliw at kakaibang paraan. Ang palabas na ito ay tumulong sa paghubog ng pagiging malikhain ng bawat isip ng batang Pilipino gamit ang nuon ay nagpapakilala pa lang na istilong education entertainment o edu-tainment.
Ngunit gaya ng alinmang bagay, kahit na gaano pa man kadalisay ang layunin ng mga tao sa likod ng palabas na ito, hindi pa din naiwasan na humarap ito sa mga pagsubok. Isa na dito ay ang licensing issues sa mga karakter nila Pong Pagong at Kiko Matsing kayat kinailangang alisin sila taong 1996. Hindi din nakatikim ng tulong pinansyal mula sa gobyerno ang palabas kahit naging napakahirap ng tustusan ang produksyon. Makailang ulit na nawala sa ere at nagpalipat-lipat ng istasyon ang programa, na-reformat, nabihisan ng bagong pangalan, nagpalit ng opisyal na musika at napakarami pang ibang pagsubok upang maisalba ang Batibot.
Naging malaking hamon din ang hindi pagkagat ng mga advertisers upang mai-sponsor ito dala na rin marahil ng krisis pang-ekonomiya, idagdag pa ang pagpasok ng mga banyagang palatuntunan mula sa Disney, Nickolodeon at iba pa. Nakalulungkot ngunit taong 1996 nga ay tuluyan nang humina hanggang nagtapos at namaalam na ito sa ere noong 2000 (GMA). Sinubok man ang adhikain ay tiyak akong nakatatak na ang palabas na ito sa puso ng bawat isa sa atin.
‘..Kung ang ulan ay puro ispageti, oh kay sarap ng ulan..’, sabi ng isang linya mula sa isang awit na naaalala ko sa Batibot. Bilang isang bata, kung ang ulan nga naman ay puro ispageti, hindi ba’t napakasarap na lamang lumabas at maligo sa ulan. Napakaliwanag ng mga aral dito, napakasayang tumuklas at matuto, maging masaya at maging bata, muli at paulit-ulit.
Kung si Rizal ang national hero sa Pilipinas baka pwede na ding ituring na national children’s show ang Batibot- isang palabas na minsang nagpinta ng ngiti sa mga labi natin, nagtuturo, lumilinang, at nagmamahal- mga dahilan upang muli ay ipagpasalamat ko na, ‘buti na lang sa Pilipinas ako nakatira’. Siya nga pala, may balita na muling susubok na maiere ito sa channel 5. Kahit makailang bihis ka pa, sigurado aabangan kita, ako ngayon bilang hindi na bata ngunit isang kid-at-heart. Paaaaaaalam! Hanggang sa muli.

REFERENCES:
http://web.archive.org/web/20071013073747/
http://www.philonline.com.ph/~pctvf/prospect.html
http://en.wikipedia.org/wiki/Batibot#References