Ang BitLOG ni Chie (ang aking BLOG) *BIT -- sa kompyuter, ito ang pinakamaliit na yunit ng storable information *LOG -- isang tala ng mga pangyayari *BLOG -- pinaiksing salita para sa weblog; isang online na dyornal *CHIE – pangngalan, pangalan, palayaw para sa Catherine. This is my BIT. This is my LOG. ...It’s my BitLOG!! ..so let's keep the balls rolling...
Tuesday, August 30, 2011
Class Picture
Rewind. Rewind. Isang segundo mula sa makalampas isang dekada na ang nakakaraan, kinulong ng lente ang isang saglit ng ating kabataan. Mapagpanggap tayo noon bilang matatanda na ngunit malayo pala sa katotohanan. Click. Capture. Isa pa. ‘Oh, wacky naman’, sambit ng mamang litratista. Sa higit sampung taon nang tayo’y magkawalay, nasaan ka na ba? Naalala mo pa ba ako? O tulad ng litratong nakatago sa baul ng nakalipas nating panahon, ang alaala ay kupas at limot na.
Hayaan mong ipaalala ko sa ‘yo. Tayo’y mga humigit-kumulang lalabing-anim na taong mga gulang (maliban sa ilang mga nakakatanda). Ang tanging mga problema natin ay paano mag-cut class, o makakuha ng mataas na grade sa Calculus. Iyon ang panahong sikat pa ang Freestyle at ubos ang baon mo kaka-War Craft, kung kailan Motorola pa ang sikat na cellphone (pwede na ding Nokia 5110) at lalaban tayo nang patayan para manalo sa Cheerdance.
Fast forward nang kaunti. Graduation Night. Masaya ang lahat. Ito ang umpisa ng panibagong buhay nating lahat. Ito na din pala ang huling gabing makikita ko kayong lahat. ‘Yung kumpleto. Sana pala niyapos kita. Sana nagpasalamat ako sa ‘yo kung naging mabuti ka sa akin. O humingi ng paumanhin kung may isang beses man na nasaktan kita. Sana, sana.
Nakatitig ako ngayon sa class picture. Nakakatawa ang hitsura mo, tingan mo. Ito na lang ang alaala ko sa ‘yo, ito na lamang. Kung sakaling makakasalubong kita at ‘di na mamukhaan, ‘pagkat mabilis tayong binago ng panahon, kawayan mo naman ako o ngitian, batiin o kaya yakapin. Ipakilala mo ako sa asawa mo o kaya sa mga bulinggit mong bitbit. Hindi ko sinasadyang palagpasin ang pagkakataon nuong gabi ng pagtatapos. Na-excite lang ako marahil sa papadating na kinabukasan. Napakalaki kasi at nakakasilaw. Makalipas ang mga taon, ito na ‘yung kinabukasang tinatanaw-tanaw lang natin nuon.
Kamusta ka na kaya?
Sana makasalubong kita.
Sana lang naalala mo pa ako.
Sana, no?
Ngayon, kung may malapit na photobooth, maaari bang magpakuha tayo? Para naman mai-upload ko sa Facebook. Promise, ita-tag kita.
Labels:
class picture
Location: PH
Philippines
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment