Saturday, November 26, 2011

Kawayang Tulay


aug 6, 2012. post-Hener, SW monsoon, Aplaya (photos cto: ate tirit)
Aug 6, 2012. post-Hener, SW monsoon. "Walang Tulay"

Lumalangitngit ang kawayang tulay habang binabagtas ni Thelma ang daan pauwi sa kanilang bahay. Tangan ang lamparang iindap-indap, madilim at wala pa ding kuryente, pilit niyang tinatawid ang pinagdugtung-dugtong na mga kawayan na nagsisilbing tulay para sa kanilang mga taga-aplaya. Tumaas na naman kasi ang tubig ng lawa dulot ng sunod-sunod na pag-ulan. Nagbaha na naman. Buti na lang maagap ang mga tanod ni kapitan at nakapag-kabit agad ng pansamantalang tulay gamit ang mga kawayan mula sa nasirang mga baklad. Malaking tulong ang mga tulay na ito upang makatawid ang mga batang papasok sa iskwela, o mga magulang na papasok naman sa trabaho.

Bitbit sa kanyang kanang bisig ang sangkilong bigas at dalawang delatang sardinas mula sa kinita sa maghapong paglalaba kina Mrs. Santos, pilit na nagmamadali si Thelma na makauwi agad. Naghihintay sa bahay ang kanyang walong taong gulang na panganay, si Theresa. Gutom na ito marahil, isip niya. Buti na lamang at Sabado bukas, ‘di nya kailangang mamroblema sa pambaon ng anak na nasa kinder pa din dahil dalawang taong nahuli sa pagpasok sa daycare.

Hindi uuwi ang asawang si Berting sa gabing iyon. Bumiyahe ito pa-Pampanga ilang araw matapos ang bagyo upang dumilehensya ng kaunti sa pag-ekstra bilang pahinante. Hindi na din masama ang kita. Kaysa nga naman maubos ang oras nito sa pamamasura sa mga gamit na inanod ng bagyo, mas maayos ang pera kung mangangamuhan na lamang si Berting.

May ilang beses ding tumitigil si Thelma sa pagbagtas ng tulay upang pagbigyan ang mga iba pang tumatawid mula sa saliwang direksyon. Nangingiti siya. Pati ba naman sa kawayang tulay para sa baha, may trapik pa din, isip niya.

‘Aling Thelma, Aling Thelma’, malakas na sigaw ng batang kapitbahay nilang si Andoy mula sa di kalayuan. ‘Oh bakit tila ka humahangos?’, balik na sambit niya sa paslit. ‘Si Theresa po kasi, habang naglalaro kami kanina, wala pong tigil sa kakasuka. Kasama niya po ang Nanay ngayon sa kubo niyo. Binabantayan muna siya at ako nga po’y inutusang abangan kayo.’ Mabilis na nagmadali si Thelma sa kanilang kubo. Inaapoy ng lagnat ang bata at tila latang-lata ang hitsura nito. Katabi nito ang banyera ng tubig at bimpong ipinampupunas sa katawan ng bata.

‘Thelma, ipatsek-up mo na center ang bata, baka kung ano na ‘yan’, nag-aalalang sambit ng nanay ni Andoy. ‘Naku, ‘wag ka namang ganyan. ‘Di naman siguro. At isa pa, wala akong ekstrang perang pambili ng gamot kung sakali. ‘Di pa uuwi si Berting hanggang sa Miyerkules’, ani nito. Tuluyan na ngang umuwi ang nanay ni Andoy at naiwan si Thelma sa magdamag na pag-aalaga sa bata.

Tatlong araw na ang lumilipas pero patuloy pa din ang pagtaas-baba ng lagnat ni Theresa at pagrereklamo nito ng pananakit ng katawan. Tila walang bisa ang paracetamol na nakuha ni Thelma nang libre minsang may dumalaw na Barangay Health Worker upang mag-sensus. Dama niya ang hirap ng anak. Namumula ang mata at mukha ng bata sa init. Pilit niya itong pinahihigop ng sabaw nang biglang nagsususuka na naman ito. Sa takot ay mabilis niyang kinarga ang bata balot ang kumot at walang sabi-sabing tinawid ang kawayang tulay. May makailang beses pa siyang mumuntikang madulas at mahulog sa nangungutim at puno ng basurang tubig-baha. Mabilis namang tumabi sa daraanan ang mga mga batang nakatambay sa tulay at nagtatangkang makapamamingwit ng isda sa tubig-baha.

Nakaabot siya sa pampublikong ospital sa bayan nang walang sapin ang mga paa. Nanganagatal na siya sa takot sa kung anong maaaring kahinatnan ng anak. Ipinaliwanag ng nars na kailangan na itong i-confine upang maobserbahan.

Sa ward ay tila sila mga sardinas na nagsisiksikan kasama ng iba pang mga pasyente. Kung paano sila nagkasya sa kwartong iyon, ‘di na naisip pa ni Thelma ‘Mamaya pa daw dadating si dok,’ tsismis ng katabing taga-bantay. ‘Wag na tayong umasang uunahin tayo dito. Walang karapatang magkasakit ang mga mahihirap na tulad natin dahil wala tayong datung’, inis pang dugtong nito. Bumuntong-hininga na lamang siya bilang tugon.

Maya-maya pa ay dumating na nga ang nars dala ang resulta ng lab test. ‘Misis, Dengue po ang sakit ng anak niyo. Bakit naman po pinaabot niyo pa ng ilang araw? Maswerte po kayo at kakadating pa lang ng suplay mula sa DoH.’, sabi nito.

Makailang-saglit ay dumating na din ang asawang si Berting na nakiusap munang lumiban sa trabaho upang alalayan ang mag-ina. Kahit paano ay panatag na si Thelma. Ngunit kinailangan pa din nilang manatili ng ilang araw upang makatiyak na ligtas na nga si Theresa.

Bumilang ng tatlo pa uling araw at tuluyan na nga silang pinayagang makalabas. Mabuti na na lamang at mabait ang residenteng duktor na tumingin sa bata at napabaunan pa sila ng ilang pirasong medisina. Binilin din nito na umatend sila ng seminar tungkol sa pagsugpo sa Dengue na gaganapin sa court sa makalawa. Uso daw kasi talaga ang sakit na ito ngayon.

Babalik na ang mag-anak sa aplaya. Tatawid na naman sila sa kawayang tulay. Ang tulay na maghahatid na naman sa kanila sa totoong buhay. Mas malakas ang langitngit ng kawayan sa pagkakataong ito. Nabibigatan marahil sa tatlong kataong bumabagtas palooban. Magaling na si Theresa. At ngayon nga’y pauwi na sila sa kanilang tahanan, sa kanilang katotohan-- sa barung-barong dito sa aplaya, kung saan ang baha at bundok ng basura ay laging magpapaalala na ang ‘di miminsang pang-aabuso sa lawa ay babalik-balik sa mga taong sumasalbahe sa kanya.


                     *photos cto: ate myra (wala pang tulay); sometime Sep '09, Ondoy

No comments:

Post a Comment