Hinubad ko ang tsinelas na nakasapin sa aking mga paa, aking mga paa na marahil ay napagal sa ilang oras na paglalakad. At sa muling pagtapak nito sa buhangin ay nakaramdam ako ng lamig, lamig na marahil ay dulot ng hangin mula sa dagat na humahalik sa akin, sa aking kabuuan. Bahagyang kakaiba sapagkat ito’y nanunuot, ngunit salamat na rin sapagkat parang may kakayahan ang hangin na magpagaling, magpagaling ng kung anumang tila sakit na nagpapahina sa akin ng mga oras na iyon.
Umupo akong sadyang nakaharap sa buntalang araw. Ninanamnam ang init na kay sarap. Ang timpla ng lamig ng hanging habagat at init ni Haring Araw ay habangbuhay na magiging perpekto para sa aking panlasa. Ang aking mga kamay ay nagsimulang maglaro ng mga butil ng buhangin. Pilit ko silang ikinukulong sa aking mga palad, ikinulong ng sobrang higpit. Nakapagtataka na kahit anong ingat ko ay mayroong pa ring mga butil na matagumpay na kumakawala. Marahil ay ayaw nila sa akin. Marahil ay hindi sila para sa akin. Muli at paulit-ulit ko silang sinubukang ikulong sa aking tiklop na mga palad, ngunit sa paulit-ulit ding pagkakataon, sila pa rin ay kumakawala, kumakawala pabalik sa kanilang dapat yata talagang kalagyan.
No comments:
Post a Comment