Saturday, March 13, 2010

MINSAN SA PANAHON NG TAG-ULAN (eulogy)

MINSAN SA PANAHON NG TAG-ULAN
a eulogy

Hulyo—panahon na naman ng tag-ulan. Ang langit ay nagsisimula na namang magkulay-abo. Nagbabadya marahil ng muling pagbuhos ng masaganang ulan. Pakiramdam ko, nakikisimpatya ang bawat patak nito sa mga luhang nais mag-unahang kumawala mula sa aking mga mata—mga luhang iniaalay ko para sa kanya at sa kanyang paglisan.

Hindi malinaw ang lalim ng buklod na nag-uugnay sa aming dalawa. Hindi ko alam kung paano tatawagin ang relasyong namamagitan sa amin. Ang malungkot pa nito, wala ng paraan para malaman ko pa.

Ang tanging pagkakakilala ko sa kanya ay bilang isang guro. Isang taga-turo ng subject-verb agreement, tagadikta kung ilang basong gatas ang kailangan ko sa paggawa nitong keyk, at taga-edit ng mga articles na lalabas para sa school organ.

Pagkatapos ng graduation, naging madalang na, siyempre, ang aming pagkikita. Hindi ko napansin. Kung kanya itong ininda, hindi ko na alam. Kahit mas madalas pa siguro ang pagdalaw ng ulan tuwing tagtuyot sa aming muling pagsasama, ni hindi ako nakaramdam ng pagkabahala. Marahil ito ay dahil alam ko, sigurado akong nariyan lang siya, bukas ang mga bisig na naghihintay sa aking pagbabalik.

Kahit kailan ay hindi niya ako binigo sapagkat sa tuwing darating ako ay naroon siya tangan pa rin ang walang kapantay niyang mga ngiti. Ang bawat haplos mula sa marahil ay kulubot na niyang mga kamay ay naghahatid pa rin ng init ng kapayapaan.

Sa huling pagkakataon na kami’y nagkausap, nangako akong ako’y muling babalik upang makita siya. Tanging isang larawan mula sa tangan niyang napaglumaan ng kamera ang nagsisilbing alaala ng tagpong iyon. Patawad kung hindi agad ako nakabalik.

Ngayon, kailangan ko pang ipikit ang aking mga mata upang mula sa dilim ay ipinta ang larawan ng mga alaala, aming lipas na mga alaala. Ang katahimikan ay bumubulong sa akin na siya ay panatag na. Mabigat man sa aking kalooban sampu ng iba bang mga buhay na kanyang nadamayan, batid kong maligaya ang buong kaharian ng langit sa kanyang pagdating.

Ang kanyang paglisan ay nagturo sa akin ng mas mahahalagang katotohanan. Higit pa sa pinakamasarap na keyk na aming naihulma, higit pa sa mga aral hatid ng kanyang mga kwento sa English literarure…masaya akong nakilala ko siya bilang bahagi ng aking buhay. Isang payak na pasasalamat ang ipinaabot ko sa kanya nasaan man siya ngayon.

Mula ngayon ay lilipas ang mga araw, bibilang ng buwan, taon at dekada ngunit alam kong hindi magagawa ng aking puso na makalimot sa kanya. Bigo man ako sa aking pangakong pagbabalik, sigurado akong pagdating ng takdang panahon langit mismo ang magpapahintulot ng aming muling pagtatagpo.

Hulyo—panahon na naman ng tag-ulan. Kasabay sa pagbuhos ng masaganang ulan ay ang pagtangis ng aking kaluluwa at ng sanlibong iba pa. Hindi man magawang ipinta ng abuhing ulap ang kanyang mukha, hindi ako nababahala sapagkat tanging alapaap lang ang naghihiwalay sa aming dalawa.

1 comment:

  1. chie ang galing mo talagang magsulat sa tagalog, madalas di ko ma-arok heheh galing, galing chie!

    ReplyDelete