Saturday, March 13, 2010

videoke queen

Madalas siyang pumasok sa loob ng bahay namin kahit walang paalam. Awtomatiko na ang pagkambiyo ng kanyang katawan sa kusina upang tingnan kung may laman pa ang paminggalan. Dudukot, kukurot at nanamnamin ang sarap ng natirang ulam at kaning bahaw upang tugunan ang hinaing at rebolusyon ng kanyang kanina pa nag-aalburotong kalamnan. Hindi rin natatapos ang kanyang ‘pagdalaw’ kung hindi siya magtitimpla ng mainit na kape, minsan kahit walang asukal, napagtitiyagaan na rin. May nakabukod ng baso para sa kanya upang mainuman. Alam niya kung saang kabinet sa kusina nakalagay iyon—isang kahel na baso na nakuha ko ng libre minsang may promo sa grocery. Masaya siya kapag hawak niya ang basong iyon. Marahil ito ay dahil batid niyang ilang oras pa mula sa tagpong iyon ang bibilangin niya upang muling mamroblema sa muling pagkalam ng kanyang sikmura. Mga pito hanggang sampung oras pa ang muli niyang hihintayin upang muling maghanap ng prospect na bahay na pwede niyang ‘dalawin’.

Malalim na ang gabi ngunit naririnig ko pa rin ang boses niya mula sa videoke machine sa kalapit na pseudo-beerhouse (hindi talaga beerhouse, mukha lang). Ang malas ko naman, naisip ko, dahil sa lahat naman ng pwedeng pagtayuan ng bahay namin, doon pa sa tabing kalsada na malapit sa pseudo-beerhouse na ito. Durog na ang eardrum ko sa ingay ng mga nag-iinumang mga ‘tambay. Hindi ako makatulog. Hindi ko sigurado kung dahil nga ba ito talaga sa ingay ng bibig ng mga lasenggong iyon o dahil sa totoo lang ay naaliw na rin ako sa pakikinig sa kanyang pagkanta. Ilang piyesa na ang kanyang naaawit at ako naman ay nananatiling tirik ang mga mata habang sumisirko sa kama. Pinakikinggan ko siya at naisip kong mahusay talaga siya. Hindi na ko naaawa sa sarili ko kung hindi pa ako makatulog. Nabaling na ang awa ko sa kanya. Ang mga ‘tambay nga namang ito oo, walang habas ang pilit sa kanyang bumirit kahit magkapatid-patid na ang kanyang mga litid sa pag-abot ng mga letra ng kanta. At ang kapalit ng kanyang performance-level na song numbers ay walang iba kundi libreng pulutan na kornik, mani at mamisong sitsaron. Kung susuwertihin may libre na ding tagay. Wala siyang magawa, alam ko dahil kahit tumutol siya ay wala din namang mababago sa buhay niya.

Lilipas na naman ang magdamag at patuloy pa rin ang mundo sa kanyang pag-inog sa axis. Minsan sa aking paglabas ng bahay upang sumaglit sa tindahan ay namataan ko siya. Nakamasid siya sa bawat bumibili upang magbakasakali na may mag-abot sa kanya ng barya. Ang kanyang mga mata ay parang nangungusap na, ‘ganito na naman ako at wala akong magawa’. Kinukurot ang puso ko sa tuwing tatapunan ko siya ng tingin. Bawat kalansing ng naiipon niyang mga barya ay may kakambal na ningning sa kanyang mga mata. Ito ang tunay na musika para sa kanya—ang ritmo ng nagkakagulong mga barya sa kanyang tatagnang lumang panyolito. Ahhh, wala na ngang mas gaganda pang lyrics at musical arrangement sa mga kalansing nito.

Kilalang-kilala siya sa lugar namin. At bakit nga naman hindi, isa yata siya sa may pinakamagandang mukha nuong kanyang kabataan. Hanggang ngayon ay may bakas pa rin naman ng lumipas na kariktang iyon. Ilang Hapon kaya ang nabaliw sa kanya. Limpak-limpak na bilog siguro ang kinita ng mukha at boses niyang iyon noon sa Japan. Pwede nga siguro talaga siyang tawaging Japayuki. Ewan ko lang, kasi iyong iba preferred na tawagin na lang silang entertainters, may iba daw kasing connotation iyong una. Iba nga talaga ang dating dahil kahit nuong bata pa ako ay mulat na ako sa masamang tingin iniuukol ng ating lipunan sa mga Japayuki. Masama ang pumunta sa Japan. Hindi tamang maging Japayuki dahil iyon ay masama, nakakasuka at nakapandidiri. Kapokpokan…kaputahan! Iyan ang itinuro sa akin ng aking lipunan. Akin iyong walang gatol na tinanggap.

Hmmmp, sa palagay ko, hindi pala palagay dahil sigurado akong marami din naman ang nakinabang sa kanyang napadalang pera para sa kanyang pamilya dito sa “Pinas. Kung alam ko lang kung paano nila nilustay ang perang iyon na katumbas ay magdamagang pakikibaka sa isang estrangherong lupain. Wala na nga sigurong pinagkaiba ang araw at gabi. Hindi na nga niya siguro pansin ang pagpalit ng mga araw sa kalendaryo para kumita ng sandamukal na salapi upang ibusal sa mga nagmamantikang mga bibig ng kanyang kapamilya at ng iba pang nagpapanggap na kapamilya.

Ngunit iba na ngayon. Malaki na ang ipinagkaiba niya sa dati. Lamang lang siya ng kaunti kay Sisa ngayon. Lamang siya dahil mahusay pa rin niyang naaawit ang mga kanta kahit hindi tumitingin sa monitor ng videoke machine. Saulo ng puso niya ang bawat letra ng mga awiting iyon. Walang binatbat ang mga contestants ng Todo-Knockout game sa Eat Bulaga. Iba na ngayon dahil wala na ang pamilyang pinaglingkuran niya nuong hindi pa naluluto ng droga ang utak niya. Iba na nagyon dahil wala ng pera, wala ng pagkain, wala ng damit at wala man lang ni isang makaalala sa kanyang kabayanihan. Madalas na alipustahin dahil sa kanyang pagkabaliw, madalas makutya, madalas paglaruan. Wala na nga ang pamilya, tuluyan pang tinatalikuran ng lipunang minsan na ring nakinabang sa kanya. Ito ang lipunang hindi marunong umintindi at walang ibang alam kundi ang manghusga—na akin lamang tinanggap.

Papasok na naman siya sa pintuan, ngayon sa may kapitbahay naman. Lumipas na naman kasi ang halos sampung oras at malamang ay gutom na naman siya. Maiibsan nang panandalian ang hapdi ng sikmura dulot ng gastric juices sa kanyang sikmura ngunit sana dumating pa rin ang panahon kung kailan ang sugat dulot ng nakalipas ay maghilom na rin. Hindi ko alam kung manhid na siya sa sakit o hindi na lang talaga abot ng kanyang kamalayan ngayon upang intindinhin ang kanyang kalagayan. Para sa akin, daig niya ang sinupaman dahil patuloy pa rin ang kanyang paglaban sa lipunang hindi naman siya mabigyan ng matinong puwang ngunit tuloy pa rin sa paglibak sa kanya. Ang awit niya ang kanyang gabay tungo sa isang paglalakbay sa mundong walang kasiguraduhan. Hanga ang puso ko sa iyo, dakilang Videoke Queen!

No comments:

Post a Comment