(isang paggunita sa aking pangalawang tahanan)
Saksi ako sa iyong ebolusyon. Mula sa pagiging munting nilalang na niyakap ng mayabong na mga dahon ay nasaksihan ko ang paglipad mo sa kalangitan bilang isang magandang mariposa. Buong tapang kang nakisalamuha sa bawat daluyong ng malakas na hangin sa paghahanap mo ng iyong alapaap. Ngayon ang oras ng iyong pamamaalam ay dumating na—ang oras upang ikaw ay mamahinga. Sapagkat alinmang paglalakbay ay nakakapagod din. Sapagkat ang bawat pagkampay ng iyong mga pakpak ay mayroon ding katapusan. Sapagkat ang buhay ay humahantong din sa, malungkot nga marahil, isang sukdulan.
Dinadalaw ako sa aking pagtulog ng iyong mga gunita—mga alaala ng aking kamusmusan at kamulatan sa iyong dibdib bilang aking pangalawang tahanan. Kaybilis nga naman ng panahon. Mahigit isa’t kalahating dekada na pala ang nakakalipas nang una kong itapak ang aking mga munting paa sa iyong munting mundo. Pagkabalisa at kaba ang bumalot nuon sa aking puso na hindi ko sigurado kung handa na nga bang harapin ang panibagong yugto ng aking buhay bilang isang mag-aaral. Pinalibutan ako ng maraming mukha na hindi ko kilala. Maraming bagay ang nasa paligid ko na hindi ko alam kung para saan at maraming mga pangyayari pala ang nakatakdang maganap sa iyong mundo na magpapabago din sa pag-inog ng nakasanayan kong mundo.
Itinuring natin ang isa’t isa bilang estranghero nuong umpisa. Ngunit sa paglipas ng oras ay sumibol ang isang hindi inaasahang pagkakaibigan sa pagitan natin. Mula nuon ay inaabangan ko na ang pagsapit ng bagong umaga sapagkat tanda iyon ng ating muling pagkikita. Marami akong natutunan sa iyo at sa palagay ko gayun ka din naman sa akin at sa iba ko pang mga kasabayan na hinayaan mo ding maglakbay sa iyong mundo.
Ngunit tulad din ng ibang tipikal na samahan, hindi laging masaya ang mga kaganapan sa pagitan natin. Minsan mayroon talagang mga hindi inaasahang mga bagay na hindi natin mapagkasunduan. Pero ayos lang sapagkat marami akong natutuhang kabuluhan ng buhay dahil sa mga iyon. Ito na rin siguro ang pagkakataon upang ipaabot ko sa iyo ang aking pasasalamat sa lahat ng naituro mo sa akin—pagiging matatag sa oras ng hirap at sa pagtuloy na paglaban gaano man kadalas ang pagdating ng mga sigalot ng buhay. Isang napakalaking papel ang ginampanan mo sa maraming mga buhay at henerasyon na naging bahagi mo.
Saksi tayo sa ebolusyon ng bawat isa sa atin. Nakita mo na ang lahat ng emosyong bumalot sa aking katauhan—saya, luha, halakhak, hinagpis at pag-ibig. Batid kong marihap gampanan ang papel na itinakda sa iyo ng langit sapagkat ito ay ang ang pagtulong sa mga magulang sa paghulma ng maraming buhay na sana ay maging kapaki-pakinabang sa ating lipunan. Ni minsan ay hindi ko narinig ang iyong mga daing. Puno ka ng pag-asa at isa ang katangian mong ito kung bakit lalo kitang pinahalagahan. Alam kong hindi madali ang lahat ng pinagdaanan mo upang tugunan ang isang tungkulin para sa kabataan. Hanga ang puso ko sa pinamalas mong katapangan at dedikasyon. Ramdam ko ang mga dinanas mong hirap ngunit nanatili ka pa ring pipi at alam kong ginawa mo iyon upang alisin ang aking pag-aalala.
At ngayong nakatakda na ang iyong paglisan ay baunin mo muli ang aking pasasalamat at pagmamahal. Ang iyong alaala ay mananatili sapagkat ang iyong mga naiturong aral ay hindi magagawang burahin ng isang paalam. Nais kong malaman mo na napagtagumpayan mo ang iyong layunin. Narating mo man ang sukdulan ng iyong paglalakbay, ang alaala ng ating pinagsamahan ay nakaukit na aking puso. Hindi nito magagawang makalimot sa iyo, pangako. Habangbuhay na magbabaga ang iyong apoy sa aking gunita. Sa tulong mo ay natuklasan ko ang hiwaga laban sa katotohanan ng buhay. Sa tulong mo ay nakilala ko ang aking sarili. At sa tulong mo ay natutunan ko ng lumipad matapos ang napakaraming pagbagsak– upang bagtasin sa pagkakataong ito ang daan sa paghahanap ng sarili kong mundo. Salamat muli at hinayaan mo akong makapasok upang makasabay sa pag-inog ng iyong mundo. Paalam aking mariposa. Mananatili kang pinakamarikit para sa akin.
No comments:
Post a Comment